Nadakip sa entrapment operation ang pitong lalaki na gumagawa umano ng pekeng ID ng Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease.
Kinilala ng Manila Police District ang isa sa mga suspek na si Johnny Perez, 32-anyos, residente ng Santa Cruz, Maynila.
Hinuli si Perez at ang kaniyang anim na kasamahan pasado ala-1:30 ng hapon nitong Lunes sa C.M. Recto Avenue, sa naturang siyudad.
Narekober sa lugar ang mga computer set, printer, scanner, laminating machine, ID cutter, at mga sampol ng IATF ID.
Ayon sa MPD, ibinebenta ng grupo ang pekeng dokumento sa halagang P350.
Ginagamit ang nakumpiskang pass upang makalusot sa checkpoint na itinalaga sa gitna ng pandemya.
Bago dinala sa Sampaloc Police Station, sinuri muna sina Perez at mga kasabwat niya sa Tondo Medical Center.
Inaalam din ng pulisya kung gumagawa sila ng pekeng quarantine pass.
Kinasuhan ang pito ng “falsification by private individual and use of falsified documents,” na konektado sa Republic Act 11469 o “Bayanihan to Heal as One Act.”