Pagbaba muli ng unemployment rate sa bansa, ikinalugod ng Senado

Ikinalugod ng mga senador ang panibagong pagbaba ng unemployment rate sa bansa.

Ito ay matapos maitala ng Philippine Statistics Authority (PSA) nitong November 2022 na bumaba sa 4.2 percent o 2.18 million ang mga Pilipinong walang trabaho kumpara sa 4.5 percent unemployment rate noong Oktubre ng nakaraang taon.

Ayon kay Senate Majority Leader Joel Villanueva, ang patuloy na pagbaba ng unemployment rate ay isang welcome development para sa pagsisimula ng taon.


Ipinapakita lamang aniya nito na nagbunga na rin ang pinaghirapan para maiangat ang bilang ng mga trabaho lalo pa’t noon pang Agosto ay nagsimula na ang pagbaba ng bilang ng unemployed sa bansa.

Para naman kay Senator Jinggoy Estrada, ang pagbaba sa unemployment rate ay magandang senyales para sa ekonomiya dahil patunay lamang nito na maraming oportunidad ang nagbukas para makabalik sa trabaho ang marami sa mga Pilipino.

Kabilang dito ang pagpapanumbalik ng mga negosyo o mga MSMEs kung saan binubuo ito ng 63% ng ating workforce.

Dagdag pa ng Senador, senyales din ang pagbaba sa bilang ng mga walang trabaho na hindi na kakailanganin ng gobyerno na maglaan ng pondo para pangayuda sa mga kababayan.

Facebook Comments