Suportado ng Department of Trade and Industry (DTI) ang rekomendasyon ng Metro Manila Council (MMC) na ibaba na sa Alert Level 1 ang risk classification sa National Capital Region (NCR).
Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez, halos wala nang pinagkaiba sa Alert level 1 ang sitwasyon ngayon sa Metro Manila dahil matagal nang bukas ang mga negosyo kung kaya’t tila magiging pormalidad na lamang ang paglalagay sa NCR sa ilalim ng Alert Level 1.
Sa kabila nito ay binigyan-diin ng kalihim na hindi dapat mawala ang pagpapaigting sa safety protocols at vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19.
Nakatakda ring maglabas ng circular ang DTI sa mga establisiyemento para pagandahin ang bentilasyon sa kanilang mga puwesto.
Samantala, ikinatuwa naman ni Presidential Adviser for Entrepreneurship Joey Concepcion ang desisyon ng Metro Manila mayors na ibaba ang alert level status ng NCR sa Marso.
Makakatulong aniya ang pagluwag ng restriction na makamit ng bansa ang target na 6.5% Gross Domestic Product (GDP) growth rate sa unang quarter ng taon.