Friday, March 13, 2026

Pagbaba ng farm gate price ng sibuyas, pinaiimbestigahan

Pinaiimbestigahan ni Senator Loren Legarda ang sanhi ng pagbagsak ng farm gate price ng sibuyas na nakaapekto sa kabuhayan at kita ng mga magsasaka.

Inihain ni Legarda ang Senate Resolution 344 kung saan inaatasan dito ang Senate Committee on Agriculture, Food and Agrarian Reform na silipin ang pagbagsak ng presyo ng sibuyas sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro sa P30 hanggang P40 mula sa P120 hanggang P150 noong Enero 2026.

Pinabubusisi rin ng senadora ang pagsabay ng pagdating ng 4,000 metrikong toneladang imported na sibuyas sa gitna ng anihan, ang pagkapuno ng cold storage sa 82 percent at ang kaduda-dudang shipment sa Bulacan.

Iginiit ni Legarda na kapag natalo ang mga magsasaka ay buong bansa ang mahihirapan at hindi aniya dapat hayaan na ang pinagpaguran at mga sakripisyo ng mga magsasaka ay masasayang lamang dahil sa mga abusadong cartel at mga maling polisiya.

Inaatasan sa resolusyon ang mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng agarang importation ban para pigilan ang mapanlamang na presyo, pagsasagawa ng audit sa buong value chain, pagsusuri sa storage capacity sa Nueva Ecija at Occidental Mindoro at pagsilip sa iba pang onion-producing areas sa bansa kung may parehong iregularidad.

Facebook Comments