Kumpiyansa ang Department of Health (DOH) na malaki ang maitutulong ng muling pagpapairal ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Metro Manila at mga kalapit probinsya sa paglaban sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire na sa pamamagitan ng MECQ o “time-out” na hiniling ng health sector ay mako-contain ang COVID-19.
Aniya, sasamantalahin nila ang umiiral na MECQ para plantsahin ang iba pang mga hakbangin na ipatutupad kontra COVID.
At para ma-maximize ang “time-out”, sinabi ni Vergeire na kabilang sa mga gagawin ay pag-relieve o pagbawas sa pressure o trabaho ng healthcare workers sa pamamagitan ng pag-recruit pa ng dagdag na mga tauhan.
Bukod pa dito ang pagpapatupad ng tinatawag “Code Protocol” at ang paglalabas ng updated strategy sa paglaban sa COVID-19 response.
Ang DOH ay makikipag-ugnayan din sa pamahalaan at non-government partners para sa epektibong paglaban sa nasabing sakit.
Tiniyak din ng DOH ang patuloy na pagkuha nila ng health workers kung saan may nakalaan silang 1.2-billion pesos na pondo para dito
Sa katunayan, sa ngayon aniya umabot na sa 21,078 ang HRH Augmentation.
Ang mga bagong hire aniyang medical frontliners ay otomatikong dine-deploy sa priority health facilities at sa COVID-19 response activities.