Dahil sa bumaba ang krimen sa bansa kaya gumanda ang buhay ng mga Pilipino batay na rin sa survey.
Ito ang pahayag ni PNP OIC PLt. Gen. Archie Francisco Gamboa matapos ang ginawang survey ng Social Weather Station (SWS) na kung saan 36 na porsyento ng mga respondents ang nagsabi na gumanda ang kalidad ng kanilang buhay sa nakalipas na 12 buwan.
Ang survey na isinagawa noong Setyembre a-26 hanggang a-30 ay nagpakita rin na 46 na porsyento ng mga “adults” ang umaasa na gaganda ang kalidad ng kanilang buhay sa susunod na 12 buwan, habang 5 porsyento lang ang nagsabing inaasahan nilang sasama ito.
Sinabi ni Gamboa, ang magandang assessment ng mamamayan sa kalidad ng kanilang buhay ay “consistent” sa naitalang 4.89 na porsyentong pagbaba sa nationwide crime volume sa ikatlong bahagi ng taon kumpara sa nakalipas na taon.
Paliwanag ni Gamboa, mas ligtas na ngayon ang pakiramdam ng publiko dahil sa pagbaba ng krimen.
Aniya lahat ng index crimes bukod sa rape ay nagpakita ng pagbaba sa 3rd quarter, kung saan ang pinakamalaking pagbaba ay carnapping na bumaba ng 45.86 porsyento kumpara sa nakaraang taon.