Walang nakikitang dahilan si Committee on Basic Education Chairman Senator Sherwin Gatchalian para magtaas ng matrikula ang mga pribado maging ang mga pampublikong paaralan ngayong may pandemya.
Diin ni Gatchalian, maraming tao ang naghihirap ngayon dahil sa COVID-19 crisis at bawas gastos din sa mga paaralan na walang papasok na mga estudyante at gagamit sa mga pasilidad nito.
Sa halip na magtaas ay inaasahan pa ni Gatchalian na magbababa ng 10 hanggang 15 percent ang matrikula lalo’t wala rin siyang alam na paaralang nag-abiso na magtataas ng tuition para sa school year 2020 hanggang 2021.
Sabi ni Gatchalian, malaking bagay para sa mga magulang ang matitipid sa matrikula para may maipambili ng kakailangang gadgets tulad ng laptop at tablet na gagamitin sa online learning.
Umaasa rin si Gatchalian na mapapatayuan ng cell site at Wi-Fi-based station ang elementary school o barangay na sentro ng bawat bayan o siyudad.
Ayon kay Gatchalian ito ay para magkaroon ng internet service ang bawat komunidad sa buong bansa na kailangan sa distance learning na paraan naman para ma-protektahan ang mga mag-aaral laban sa COVID-19.