Pagbaba ng moral ng mga police officials, pinangangambahan ng ilang senador

Nababahala ang ilang mambabatas na posibleng bumaba ang moral ng mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) dahil sa naging panawagan ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., na magsumite ang mga ito ng “courtesy resignation” bunsod ng pagkakasangkot ng ilan sa iligal na gawain.

Giit ni Senate Minority Leader Koko Pimentel, nadadamay sa panawagan na ito maging ang mga malilinis at outstanding na police officials.

Makakaapekto aniya ito sa kanilang moral dahil naririyan ang pangamba na posibleng sa mga susunod na araw ay matanggal na sila sa serbisyo.


Ipinunto pa ni Pimentel kung ano ang kasiguruhan na tanging ang mga “bad eggs” o mga pulis na sangkot sa mga krimen at iligal na gawain ang tatanggapin lang na pagbibitiw ng binuong “secret committee of five”.

Iminungkahi ni Pimentel sa DILG na direktang sampahan na lang ng kaso ang mga pulis na sangkot sa illegal drug trade kung may hawak namang impormasyon at mga ebidensya.

Sa ganito aniyang paraan ay mabibigyan pa sila ng karapatan na maipaabot ang impormasyin ng ikakaso laban sa kanila.

Facebook Comments