Pagbaba ng presyo ng asukal, hindi agad mararamdaman, ayon sa SRA; DA, planong ipako sa P90 ang kada kilo ng asukal!

Hindi naman agad mararamdaman ng publiko ang pagbaba ng presyo ng asukal.

Paliwanag ni Sugar Regulatory Administration (SRA) Administrator Hermenegildo Serafica, kahit na mag-import ng 300,000 metric tons ng asukal ay hindi naman agad makakarating ang mga ito sa bansa.

Punto ni Serafica, hindi lamang importasyon ang solusyon upang mapababa ang presyo ng asukal dahil ang pinakamahalaga pa rin ay tutukan ang lokal na produksyon.


Inihalimbawa ni Serafica ang mga sugar mill sa Negros Occidental na nagsisimula na ring magbukas para sa produksyon nito.

Sinabi rin ni Serafica na hindi naman sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa pag-angkat ng 300,000 metric tons ng asukal sa bansa.

Giit ng opisyal na ang mga pribadong trader pa rin ang gagastos sa pag-a-angkat.

Samantala, target ng Department of Agriculture (DA) na magpataw ng suggested retail price (SRP) na P90 per kilogram sa asukal.

Ito ay matapos umabot na sa mahigit P100 ang kada kilo ng asukal sa ilang pamilihan sa Metro Manila.

Ayon kay DA Undersecretary Kristine Evangelista, nakatakdang pulungin ng ahensya ang mga stakeholders ngayong linggo upang talakayin ang pagpapataw ng SRP.

Facebook Comments