Kinontra ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang sinabi ni Pangulong Bongbong Marcos sa kaniyang ikalawang State of the Nation Address (SONA) noong nakaraang linggo na bumaba ang presyo ng mga bilihin.
Sa kontra-SONA ni Pimentel, iginiit nito na nakakabahala ang tunay na estado ng bansa dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng pagkain, serbisyo at iba pa.
Sinabi ni Pimentel na hindi tamang sabihin na sa mga nakalipas na buwan ay nagkaroon pagbaba sa presyo dahil taliwas ito sa nangyayari sa kasalukuyan kung saan tumaas pa ang presyo ng bigas, isda, karne, gulay at iba pang mga bilihin.
Tinukoy rin ng senador na sa kasalukuyan P14.1 trilyon na ang utang ng Pilipinas at kung hahatiin sa populasyon na 117 milyon ay mayroong utang ang bawat Pilipino na P120,000.
Hindi pa aniya kasama rito ang ang utang ng Government Owned and Controlled Corporations (GOCCs) at Local Government Units.
Sa huli, hinimok ni Pimentel ang pamahalaan na bumuo ng mga hakbangin upang tugunan ang mga pangunahing pangangailangan ng mamamayan at tiyaking uunahin ang pagsusulong ng kapakanan ng bawat isa.