Aminado ang Malakanyang na hindi pa masasabi kung kailan bababa ang restriksyon sa Metro Manila dahil pa rin sa COVID pandemic.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi pa naman nagbabago ang panuntunan sa pagtatakda ng mga restriksyon sa bansa.
Aniya, pinagbabatayan pa rin ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang two-week attack rate, average daily attack rate (ADAR) at health care utilization rate.
Sabi pa ni Roque, oobserbahan ng mga eksperto at ng IATF na kung sa ilalim ng Alert Level 4 ay mas mapapababa ang kaso ng COVID-19 sa National Capital Region (NCR).
“Hindi ko po alam kung kailan natin makakamit iyan. Pero ang importante po sa Metro Manila eh, mahigit 60% na po ang ating pagbabakuna. At nakikita naman natin na bagama’t tumataas pa rin ang mga kaso, mayroon pa ring espasyo ating mga ospital. Ibig sabihin, mas marami talaga ang nagiging asymptomatic at saka mild at iyan naman po talaga ang garantiya kapag marami na pong bakunado.” ani Roque
Kahapon, Setyembre 16 ang unang araw ng pagpapatupad ng Alert Level 4 sa Metro Manila kung saan bahagyang pinapayagan ang indoor at outdoor dining maging ang personal care services na mag-operate ng 10% hanggang 30% capacity.