Pagbaba ng satisfaction ratings ng Pangulo, hindi dapat ikabahala – kaalyado sa Kamara

Manila, Philippines – Minaliit lamang ng administration Congressman ang pagbaba ng net satisfaction ratings ni Pangulong Duterte sa +48 mula sa +66 noong Hunyo.

Ayon kay Appropriations Chairman at Davao City Rep. Karlo Nograles, walang dapat ikabahala sa ratings dahil kung ang titingnan ay ang gross ratings at hindi ang net ratings ng Presidente ay kakaunti lamang ang diperensya nito kumpara sa SWS survey noong Hunyo.

Ngayong Setyembre ay nakapagtala ng 67% gross satisfaction rating at 73% na gross trust rating ang Pangulo.


Aminado naman si Nograles na may bahagyang pagbaba sa ratings ang Pangulo sa ibang lugar sa bansa pero nananatiling malakas ito sa Mindanao kung saan nasa 75 to 76 percent ang net satisfaction rating ni Duterte.

Dahil dito, wala aniyang katotohanan na bumababa ang popularidad ng Presidente dahil nagagawa pa rin ng Pangulo ang kanyang trabaho lalo na sa Mindanao na maituturing na `toughest region` ng bansa dahil sa giyera sa Marawi.

Normal lamang aniya na paminsan-minsan ay bumababa ang ratings dahil nakadepende naman sa political climate ang magiging resulta ng survey.

Malaki ang tiwala ni Nograles na mababawi ni Pangulong Duterte ang pagbaba ng ratings nito sa 4th quarter at magpapatuloy pa rin ang Pangulo sa pagganap ng tungkulin nito.

Facebook Comments