Pagbaba ng unemployment rate, ikinalugod ng DOLE

Ikinalugod ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang bagong resulta ng Labor Force Survey kung saan naitala ang mababang unemployment rate sa bansa mula nang pumutok ang COVID-19 pandemic noong nakaraang taon.

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, “encouraging” ang mga lumalabas na datos patunay na nakakabangon na ang ekonomiya at mas maraming tao ang nagkakaroon ng trabaho.

Ang unemployment rate nitong Marso na 7.1% ay katumbas ng 3.44 million na Pilipinong walang trabaho – pinakamababa mula nang tumama ang pandemya sa bansa.


Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang unemployment rate sa bansa ay pumalo sa 17.6% noong April 2020 o katumbas ng 7.2 milyong Pilipinong walang trabaho.

Ipinagmamalaki rin ni Bello na nasa 2.18 million na manggagawa ang nadagdag sa bilang ng mga employed individual sa bansa na nasa kabuoang 45.33 million.

Ang gumagandang labor market ay bunga ng initial rollout ng COVID-19 vaccines sa A4 priority group.

Hinikayat ng DOLE ang mga manggagawa na magpabakuna laban sa COVID-19.

Facebook Comments