PAGBABA SA ALERT LEVEL 1 NG CAUAYAN CITY, WALANG KINALAMAN SA NALALAPIT NA 2022 ELEKSYON- MAYOR BERNARD DY

Cauayan City, Isabela- Nilinaw ni Cauayan City Mayor Bernard Dy na walang kinalaman ang election period sa pagbaba ng alert level status ng Isabela.

Kasunod ito ng usap-usapan sa publiko na kaya daw ibinaba sa Alert level 1 ang malaking bahagi ng Region 2 at niluwagan ang mga COVID-19 restrictions ay dahil sa nalalapit na halalan.

Sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mayor Bernard Dy, ipinaliwanag nito na ang basehan ng alert level sa isang lugar ay depende sa bilang ng kaso ng covid at capacity ng mga ospital para sa mga covid patients.

Ang Lungsod ng Cauayan ay mayroon na lamang dalawang natitirang aktibong kaso base ito sa pinakahuling datos ng Isabela Provincial Information Office. Ikinagagalak naman ni Mayor Bernard Dy ang pagbaba ng bilang ng covid cases sa Lungsod at pagbaba sa alert level ng probinsya.

Dahil aniya rito ay nakabalik na ang mga estudyante sa mga paaralan sa Lungsod na kabilang sa mga higit na naapektuhan ng COVID-19 pandemic bukod sa mga nagsarang negosyo.

Bagamat nasa limited face to face classes pa rin ang ipinatupad ng mga paaralan ay ikinatuwa pa rin ito ng alkalde para naman aniya mabigyan ng sapat at may kalidad na edukasyon ang mga estudyante.

Samantala, umaasa ang alkalde na magtutuloy- tuloy ang alert level 1 sa rehiyon dos para maibalik na ang mga naantalang aktibidades na dulot ng pandemya tulad ng nakatakdang pagho-host ng Cauayan ng CAVRAA sa darating na buwan ng Abril na kung saan simula nang mag pandemya ay suspendido ang CAVRAA.

Handang-handa na aniyang magamit ang Cauayan city sports complex sakaling matuloy ang naantalang Palaro na lalahukan ng mga atleta mula sa iba’t ibang bayan at siyudad sa Rehiyon dos.

Kung sakali namang manatili sa alert level 1 ang ating status ay itutuloy na rin ang iba pang mga nasuspindeng aktibidad.

Facebook Comments