Suportado nina Partido Reporma standard-bearer Senador Panfilo ‘Ping’ Lacson at senatorial candidate Dr. Minguita Padilla ang posibleng pagbaba sa Alert Level 1 ng Metro Manila kasunod ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa alinsunod sa rekomendasyon ng mga pinuno ng lokal na pamahalaan sa rehiyon.
Pabor si Lacson sa panukalang luwagan ang paghihigpit ng mga otoridad kaugnay sa pandemya sa mga susunod na linggo basta naaayon ito sa siyentipikong pag-aaral at ebalwasyon ng mga eksperto.
Sinegundahan naman ito ni Dr. Padilla na resident public health expert ng Partido Reporma dahil aniya natamo na ng Metro Manila ang sapat na bilang ng populasyon na protektado na ng bakuna laban sa COVID-19.
Subalit iminumungkahi pa rin niya ang pagsusuot ng face masks ng publiko tuwing lalabas ng bahay at makikisalamuha sa ibang mga tao.
Ayon kina Lacson at Dr. Padilla, napapanahon na rin para sa mga otoridad na unti-unting ibalik sa normal ang sitwasyon matapos ang dalawang taong pakikipaglaban sa pandemya upang manumbalik ang sigla ng ekonomiya sa bansa.
Binanggit ni Lacson na hindi maaaring hayaan na magpatuloy ang mahigpit na mga lockdown dahil sa taya ng National Economic Development Authority o NEDA ay aabot sa P11 bilyon ang nawawala sa ating ekonomiya kada linggo dulot ng pagsasara ng ilang mga negosyo dahil sa pandemya.
Inihayag din ni Dr. Padilla na dapat isaalang-alang ang kapakanan ng mga nasa sektor ng Micro, Small at Medium Enterprises (MSMEs) gayundin ang mga nasa edukasyon na lubhang naapektuhan sa mga mahihigpit na stay-at-home orders ng lokal at national government dahil sa banta ng COVID-19.
Giit pa ni Lacson na wala dapat ‘trade off’ sa usapin ng kalusugan at ekonomiya kung kaya umaasa siya na magkakasundo ang ating mga public health expert at mga economic manager sa mga polisiya kaugnay sa umiiral na banta ng pandemya sa mga susunod na linggo.