Pagbaba sa Alert Level 2 ng Metro Manila sa Nobyembre, nakasalalay sa susunod na dalawang linggo – OCTA Research group

Nakasalalay sa susunod na dalawang linggo ang posibilidad na ibaba na sa Alert Level 2 ang Metro Manila pagsapit ng Nobyembre.

Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Dr. Butch Ong ng OCTA Research Group na ito ay sa gitna ng patuloy na pagbaba ng COVID-19 cases hindi lamang dito sa Metro Manila kundi sa buong bansa.

Pero umaasa si Ong na hindi na magkakaroon ng panibagong COVID-19 variant na kagaya ng mas nakakahawang Delta variant lalo na ngayong nalalapit na holiday season.


Ayon kay Ong, bukod sa Pilipinas ay nararanasan na rin ngayon ng India at Indonesia ang pagbaba ng kaso matapos silang unang tamaan ng outbreak dahil sa Delta variant.

Samantala, pabor din ang panig ng mga negosyante sa posibleng pagluwag pa ng restrictions sa Nobyembre lalo na’t naging epektibo ang Enhanced Community Quarantine na ipinatupad sa Metro Manila noong agosto.

Ayon kay Presidential Adviser on Entrepreneurship Secretary Joey Concepcion, panahon na para bigyan ng pagkakataon ang mga negosyante na makabawi sa kanilang mga nawalang kinita.

Kahapon, umabot lamang sa 4,496 ang naitala ng Department of Health na bagong kaso ng COVID-19 sa buong bansa.

Facebook Comments