Nakahanda ang Philippine National Police (PNP) na magpatupad ng pagbabago sa border protocols batay na rin sa mga kautusan ng Department of Health (DOH) at ng Inter-Agency Task Force (IATF) para mapigilan ang pagpasok sa bansa ng bagong-tuklas na Coronavirus Delta sub-variant.
Ayon kay PNP Chief General Guillermo Eleazar, wala pang kaso ng Delta sub-variant na iniulat sa Pilipinas at kasalukuyan pang naghihintay ng impormasyon ang DOH mula sa mga international health organizations kagnay nito.
Aniya, hindi niya gustong maalarma ang publiko pero ang pagkakatuklas ng bagong sub-variant ay nagsisilbing paalala na mayroon pa ring pandemya.
Sa kabila aniya ng pagluluwag sa mga quarantine protocols, kailangan pa rin ang ibayong pag-iingat dahil maaari na namang dumami ang kaso ng COVID-19 kung magpapabaya.
Payo ni Eleazar, ang pinaka-epektibong magagawa ng publiko laban sa Coronavirus ay ang pagsunod sa mga health protocol at pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang mapigilan ang pagkalat ng virus.