Sa ating naging panayam kay Atty. Jerbee Anthony Cortez, ang COMELEC Officer ng Lungsod ng Cauayan, mag-iikot aniya sila sa Kalunsuran katuwang ang PNP, BFP, DENR, DPWH at ng mga kawani ng POSD Cauayan para tanggalin ang mga posters o tarpaulins ng mga kumakandidato mapa-National man o Local na nakapaskil o nakalagay sa hindi tamang lugar.
Ayon sa COMELEC Officer, may mangilan-ngilan aniya rito sa Lungsod ang nakitang nagkalat na illegal campaign materials ng mga tumatakbong kandidato na kung saan ay tiniyak naman ng opisyal na matatanggal lahat ang mga makikitang posters o tarpaulins sa mga ipinagbabawal na lugar.
Mag-uumpisa ang tatlong (3) binuong grupo para sa pagtatanggal ng mga nasabing materyales sa Brgy. Alinam, Tagaran at sa Brgy. San Fermin.
Una nang ipinaalala ni Atty. Cortez na bawal ang paglalagay ng mga campaign materials sa mga poste, puno, highway, tulay, sidewalk at overpass.
Ayon pa sa naturang opisyal ng COMELEC Cauayan, kahit pa nakalagay sa pribadong lugar o lote ang mga campaign materials at hindi nakasunod sa tamang size o laki nito batay sa ipinatutupad na panuntunan ng COMELEC ay babaklasin pa rin ito ng mga otoridad.
Samantala, patuloy pa rin ang mga ginagawang paghahanda ng COMELEC Cauayan City kaugnay pa rin sa election period lalong lalo na sa nalalapit na halalan sa darating na Mayo.