Manila, Philippines – Binigyan ng Commission on Election (Comelec) ng hanggang Biyernes, Pebrero 15 ang mga senatorial candidates at partylist group para baklasin ang kanilang mga campaign material.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, maaaring maging basehan sa paghain ng electoral offense petition ang paglabag sa panuntunan ng Comelec sa mga campaign material.
Sa ilalim ng mga panuntunan ng Comelec, may size limit na 2 by 3 feet ang mga campaign material at hindi dapat ikinakabit sa labas ng mga common poster area o sa mga private property nang walang pahintulot ng may-ari.
Hinimok naman ni Jimenez ang publiko na isumbong ang mga kandidato na makikitang lumalabag sa campaign rules.
Sabi ni Jimenez, maaring ipadala ang mga ito sa kanilang official social media pages sa Facebook, Instagram, Twitter at sa email na talktocomelec@gmail.com
Aniya, dapat nakalagay sa sumbong ang petsa kung kailan nila nakuha ang litrato, lokasyon ng illegal campaign material at kung ito ba ay oversized o wala sa tamang lugar.
Dapat rin aniyang gamitin ang hashtag na #sumbongsacomelec.
Maliban rito, iginiit ni Jimenez na imo-monitor rin nila ang pangangampaniya ng mga kandidato sa social media.