Pagbabakuna gamit ang AstraZeneca vaccines para sa mga priority list, muling sisimulan ng DOH

Muling sisimulan ng Department of Health (DOH) ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca vaccines.

Sa online media forum na pinangunahan ni Health Undersecretary Ma. Rosario Vergeire, muling gagamitin ang nasabing bakuna para sa mga indibidwal na nasa priority group may edad 60-anyos pababa.

Ayon kay Vergeire, ang desisyon na gamitin muli ang AstraZeneca vaccines ay base sa naging desisyon sa ginawang pagpupulong ng DOH, Food and Drug Administration (FDA), Philippine College of Hematology and Transfusion Medicine (PCHTM) at lahat ng grupo ng mga eksperto.


Sinabi ni Vergeire na masusi itong pinag-aralan at kanila itong ibinase sa scientific evidence bago inirekomenda ang muling paggamit ng AstraZeneca.

Matatandaan na pansamantalang sinuspindi ng DOH ang pagbabakuna gamit ang AstraZeneca vaccines noong nakaraang buwan dahil na rin sa rekomendasyon ng FDA.

Ito’y matapos na maiulat na nagdudulot ito ng bihirang “pamumuo ng dugo” at mababang platelet sa mga naturukan ng bakuna may edad 18 hanggang 59-anyos.

Nabatid na nasa higit 2 milyong doses na ng bakuna ang naipapamahagi ng DOH para sa mga nasa priority group mula sa A1 to A3 category.

Facebook Comments