Sinimulan na pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) ang pagsasagawa ng pagbabakuna kontra COVID-19 sa ilang istasyon nito.
Alinsunod ito sa programa ng pamahalaan hinggil sa pagpapalawak ng vaccination sites upang magkaroon ng proteksyon ang lahat sa nasabing sakit.
Ayon kay LRT Spokesman Hernando Cabrera, bukas para sa lahat ang ginagawa nilang vaccination maging pasahero man o hindi.
Pero, kinakailangan nakarehistro ang magpapabakuna sa lokal na pamahalaan na nakakasakop sa dalawang istasyon ng LRT-2 partikular sa Recto at Antipolo.
Aniya, nasa 250 doses na iba’t ibang klase ng bakuna ang inilaan kung saan posible itong madagdagan kung mas marami ang nais magpabakuna.
Bukod dito, alternate na araw rin ang gagawing pagbabakuna sa dalawang istasyon ng LRT-2 na magsisimula ng alas-8:00 ng umaga at magtatapos ng alas-4:00 ng hapon.
Sinabi pa ni Cabrera na pawang mga first dose at booster shot ang maaaring magpabakuna sa kanilang mga istasyon kung saan may mga medical personnel naman silang kasama para masigurong nasa kondisyon ang indibidwal na magpapabakuna.
Maging ang hindi pa nakakapagparehistro ay kanilang gagabayan para maturukan na rin ng bakuna kontra COVID-19.
Matatandaan na kahapon ay ikinasa na rin ang pagbabakuna sa LRT-1 partikular sa Central Station.