Sinimulan na rin ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa mga medical frontliners sa San Lazaro Hospital sa Sta. Cruz, Maynila.
Ayon kay Dr. Rontgene Solante, Head ng Infectious Diseases ng San Lazaro Hospital, nasa 300 doses ng Sinovac vaccine ang kanilang nakuha mula sa Department of Health (DOH) na kanilang ipamamahagi sa 300 medical frontliners ng ospital.
Sinabi pa ni Dr. Solante na ang second dose ng bakuna ay kanilang ire-request sa DOH bago matapos ang apat na linggo.
Dagdag ni Dr. Solante na sa ngayon, nasa 178 na medical frontliners ang una ng nagparehistro kung saan umaasa siya na makukumpleto ang target nilang bilang sa mga susunod na araw.
Aniya, sakali naman may dumating na ibang brand ng bakuna na ido-donate sa kanilang ospital, kanila itong ipamamahagi sa ibang medical personnel na hindi nabakunahan ng Sinovac.
Paliwanag kasi ni Dr. Solante, hindi na maaaring mabakunahan ng ibang brand ang nabigyan ng Sinovac dahil limitado sa ngayon ang suplay ng bakuna at upang magkaroon naman ng pagkakataon ang iba na mabigyan ng bakuna kontra COVID-19.
Matatandaan na ang grupo rin ni Dr. Solante ang siyang nag-asikaso ng kauna-unahang kaso ng COVID-19 na pawang mga Chinese Nationals ang pasyente.