Sinimulan na ang pagbabakuna sa mga nasa A4 category sa Philippine National Police (PNP).
500 ang bilang ng mga babakunahan na galing sa iba’t ibang unit sa National Headquarters at National Capital Region Police Office.
Unang binakunahan si PNP Chief Police General Guillermo Eleazar kung saan Si DOH Undersecretary Ma. Francis Laxamana ang nagturok ng Sinovac vaccine sa hepe.
Naturukan na rin ng unang dose ng Sinovac vaccine ang PNP command group na sina Police PNP Deputy Chief for Administration Police Lt. Gen. Joselito Vera Cruz at PNP Deputy Chief for Operations Police Lt. Gen. Ephraim Dickson.
Sinundan naman sila ng iba pang senior officers.
Para kay Eleazar, mahalaga na mabakunahan ang mga pulis na kasama sa mga frontliner sa pagharap sa pandemya lalo’t mataas pa rin ang kaso ng COVID-19 sa kanilang hanay.
Sa katunayan ayon kay PNP Chief, may 71 na ang namatay dahil sa COVID-19 sa PNP.
Umaasa si Eleazar na dahil sa kanyang pagbabakauna ay lalo pang tataas ang kumpyansa ng mga pulis sa bakuna.
Sa ngayon, umakyat na sa 92.76% ng mga tauhan ng PNP ang gusto magpabakuna.