Hinimok ni Iloilo Rep. Lorenz Defensor ang National Government at Department of Health o DOH na pag-aralan at kalauna’y pahintulutan na ang pagbabakuna sa mga batang edad tatlo hanggang bago mag- limang taong gulang laban sa COVID-19.
Sa inihaing House Resolution 263, iginiit ni Defensor na hindi dapat isantabi ang peligro sa kalusugan ng mga bata lalo’t sila ay kabilang “most vulnerable” sa gitna ng tumataas muling mga bagong kaso ng COVID-19.
Binanggit ni Defensor na noong June 2022, ang Food and Drug Administration o FDA ng Amerika ay nag-isyu ng “emergency use authorization” sa bakuna ng Moderna at Pfizer-BioNTech para sa mga edad anim na buwan hanggang 17 taong gulang; at 6 anim na buwan hanggang apat na taong gulang.
Diin ni Defensor, batay sa US-FDA, ang mga naturang bakuna ay nakitang epektibo sa pediatric population mula sa potensyal na banta o pagkakasakit ng COVID-19.
Kaugnay nito ay pinuri naman ni Defensor ang patuloy na pagsusumikap ng DOH ukol sa Resbakuna Kids Program sa harap ng mga hamon hatid ng pandemya at pagbabalik ng face-to-face classes.