Hinihikayat ni Navotas City Mayor Toby Tiangco ang mga magulang o guardian na iparehistro na ang kanilang mga anak na 12-17 na may comorbidity para mabakunahan laban sa COVID-19.
Sabi ni Tiangco, ang pagbabakuna sa kanila ay magsisimula sa October 22, 2021 sa Navotas City Hospital.
Ayon kay Tiangco, mauunang bakunahan ang mga 15-17 taong gulang na may mga comorbidity.
Sila ay makatatanggap ng text message para sa kanilang schedule at bakunang Pfizer at Moderna ang ibibigay sa kanila.
Kaugnay nito ay hinihiling ni Tiangco sa mamamayan na magpabakuna upang maproteksyunan ang sarili at mas lumiit ang tiyansa ng hawaan at pagkalat pa ng virus.
Samantala, masayang ibinalita ni Tiangco na sa pinakahuling datos ay bumaba na sa 196 ang aktibong kaso sa lungsod kung saan 5 ang bagong nadagdag na nahawaan ng virus at walang nadagdag na nasawi.