Dadaan pa sa masusing pag-aaral ang pagpapabakuna sa mga bata kontra COVID-19.
Ito ang tiniyak ni Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III kasunod na rin ng pangamba ni Deputy Speaker Bernadette Herrera sa pahayag ni Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. na palalawigin din ang vaccination program para isama ang mga toddlers o yung may edad 1 hanggang apat na taong gulang at mga teenagers.
Sa pagdinig sa Kamara, sinabi ni Herrera na hindi dapat magpadalos-dalos sa pagbabakuna sa mga bata ang pamahalaan dahil bukod sa emergency use authorization (EUA) pa lamang ang iginawad sa mga bakuna ay wala pang datos kung ano ang epekto ng mga brand ng mga COVID-19 vaccines sa mga bata.
Pagtitiyak naman ni Duque na hihintayin muna ang resulta ng trial ng ibang mga bansa bago ito ipatupad o gawin sa Pilipinas.
Wala pa rin aniyang malinaw na hakbang o panuntunan sa proseso ng pagpapabakuna sa mga bata lalo at hindi naman sila kasama sa priority list.