Naniniwala si Senador Francis Tolentino na dapat nang obligahin ng Department of Health (DOH) ang mga magulang upang pabakunahan ang kanilang mga anak kontra COVID-19.
Sa ilalim ng Mandatory Infants and Children Health Immunization Act”, pwedeng maglabas ang Kalihim ng DOH ng isang department circular upang i-update ang listahan ng mga “vaccine-preventable diseases” na posibleng masaklaw ng ‘mandatory vaccination’ drive.
Ayon kay Tolentino, binibigyan nito ng kapangyarihan ang DOH secretary na maglatag ng mga panuntunan patungkol sa pagbabakuna sa mga iba pang nakakahawang sakit at posibleng maisama sa kategoryang ito ang bakuna laban sa COVID.
Sabi ni Tolentino, malinaw at sapat ang probisyon na nakapaloob sa Saligang Batas ng 1987 upang bakunahan ang mga batang estudyante kontra COVID-19.
Binanggit pa ni Tolentino na malinaw sa desisyon ng Korte Suprema na tungkulin ng Estado protektahan ang kalusugan ng mga mamamayan at hindi na kailangan ng ano mang lehislasyon o batas upang ito’y ipatupad.
Para kay Tolentino, napapanahon na upang kumilos ang DOH at maglabas ng isang department circular upang maisama ang bakuna kontra COVID-19 para sa mga posibleng iturok sa kabataang Pinoy, lalo pa’t dumadagsa na sa bansa ang mga donasyon at biniling bakuna ng pamahalaan.