Cauayan City,Isabela- Umapela sa Inter-Agency Task Force ang Regional Development Council 02 na pinamumunuan ni Isabela Governor Rodito Albano III upang bigyang prayoridad ang COVID-19 vaccine para sa mga estudyanteng nasa kolehiyo.
Kasabay ito ng ginanap na 120th Joint RDC Full Council and Advisory Committee Meeting sa Provincial Capitol Amphitheater, Alibagu, City of Ilagan, Isabela.
Iprinisenta naman ng kinatawan ng Department of Health (DOH) Region 2 ang update sa vaccination rollout sa rehiyon kung saan nasa 22.53% ang fully vaccinated individuals base sa 70% ng populasyon.
Kaugnay nito, hiniling ni CHED Region 2 Director Julieta Paras ang kaagad na pagbabakuna sa mga faculty at non-teaching staff gayundin ang mga estudyante mula sa Higher Educational Institutions (HEI) dahil sa posibilidad na palawakin ang pagbubukas ng mga campus sa lahat ng degree programs.
Samantala, natanong rin ni Gov. Albano kung bakit ang mga edad 12 hanggang 18 ay nabigyan na ng bakuna sa Manila ngunit ayon sa DOH 2 ay naghihintay pa lang ng guidelines ng pagbabakuna sa ibang mga rehiyon.
Suportado naman ni Nueva Vizcaya Governor Carlos Padilla ang panukala ng CHED Region 2 at hinimok ang RDC na ipaabot sa National IATF na ang bakuna ay dapat ibigay sa mga college students, sa pribado at pampublikong paaralan.
Present rin sa RDC Meeting ang ilang ahensya ng gobyerno gaya ng NEDA, DPWH, DA maging sina Quirino Governor Dakila Carlo Cua at Cagayan Governor Manuel Mamba.