Iginiit ni Committee on Labor Chairman Senator Joel Villanueva ang kahalagahan ng pagbabakuna sa mga Pilipinong seafarer upang makapabalik na sila sa barko at ipagpatuloy ang trabahong naantala dahil sa COVID-19 pandemic.
Pahayag ito ni Villanueva kasunod ng naging pagdalo niya sa vaccination kickoff ceremony na ginanap sa Palacio de Maynila kung saan 1,000 seafarers na nakatakdang i-deploy sa mga susunod na buwan ang nakatanggap ng Pfizer vaccine mula sa pamahalaan.
Diin pa ni Villanueva, kapag nawala ang mga Pilipino sa seafaring industry, ay tiyak na mapipilay ang buong industriya dahil 1 sa bawat 3 seafarer sa buong mundo ay Pilipino.
Dagdag pa ni Villanueva, ang seafaring industry ng bansa ay isa rin sa mga matinding tinamaan ng pandemya.
Kaugnay nito ay ibinalita rin ni Villanueva na binabalangkas na ng Technical Working Group (TWG) ang detalye para sa panukalang Magna Carta of Seafarers na target niyang maihain ito sa plenaryo sa pagbalik-sesyon ng Senado sa Hulyo.
Ayon kay Villanueva, itinatakda ng panukala ang karapatan ng mga seafarer tulad ng right to self-organization, karapatang magkaroon ng access sa training at edukasyon, karapatang makakuha ng certificate of employment, at iba pa.
Sabi ni Villanueva, layunin din ng panukala na magbalangkas ng Maritime Occupational Safety and Health Standards at gumawa ng registry ng mga seafarer.