Iginiit ni Senator Sonny Angara sa Department of Health (DOH) at mga Local Government Units (LGUs) na pag-ibayuhin ang mga hakbang para mabakunahan ang mga senior citizens lalo na sa mga probinsya.
Ayon kay Angara, mahigit pitong buwan ng isinasagawa ang vaccination roll out pero marami pa ring mga senior citizens ang hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19 tulad ng mga nasa Regions 3, 4A, 7, 6, 11, 5 at 1.
Tinukoy ni Angara ang record ng World Health Organization (WHO) na 3.4 million mula sa 8.5 million nakatatanda sa bansa ang hindi pa nabibigyan ng first dose ng COVID-19 vaccine.
Mungkahi ni Angara, tularan ang ginagawa ng ibang LGUs at mga barangay na matyagang pagpunta sa bawat bahay ng mga senior citizens para sila ay bakunahan.
Diin ni Angara, ang mga nakatatanda ay kabilang sa sektor na delikadong tamaan ng COVID-19 kaya dapat gawan ng paraan na sila ay maproteksyunan sa pamamagitan ng bakuna.