Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay SDO Cauayan School Division Superintendent Alfredo Gumaru Jr., oras aniya na matapos ang remedial at enhancement classes ng mga mag-aaral sa Lungsod ay sisimulan na rin ang Brigada Eskwela at assessment sa mga paaralan.
Ikakasa aniya sa August 3, 2022 ang kick-off ng Brigada Eskwela sa lahat ng mga paaralan kaya hinihikayat ang lahat ng mga partner stakeholders, brgy officials at magulang na makiisa at tumulong sa gagawing paglilinis at paghahanda sa mga paaralan.
Pagkatapos naman ng brigada eskwela, magkakaroon ng final assessment sa mga schools para matiyak na ligtas at maayos ang mga gagamiting classroom ng mga papasok na mag-aaral.
Ayon pa kay Gumaru, nasa mahigit 35,000 na bilang ng mga estudyante ang inaasahang papasok sa mga pampublikong paaralan sa Lungsod sa darating na pasukan.
Kaugnay nito, ipapatupad pa rin sa mga paaralan ang pagsusuot ng face mask, social distancing at iba pang preventive measures para sa kaligtasan ng mga magbabalik-eskwela.