Pagsusuot ng Uniporme sa Susunod na Pasukan, ‘Option’ na ng Magulang – SDO Cauayan City

27
Cauayan City, Isabela- Kasabay ng naging pahayag ni Vice President at DepEd Secretary Sara Duterte na hindi na required ang pagsusuot ng uniporme ng mga batang mag-aaral sa darating na school year 2022-2023, iginiit naman ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Cauayan City na ‘option’ o nasa desisyon pa rin ng mga magulang kung pagsusuotin ng puting uniporme o hindi ang kanilang mga anak.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Dr. Gumaru, nirerespeto at suportado nito ang sinabi ng Bise Presidente at Kalihim ng Kagawaran dahil na rin sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin ngayon na sumabay pa sa nararanasang pandemya.

Gayunman, sinabi ni Dr. Gumaru na kahit hindi compulsory ang complete uniform sa mga mag-aaral ay bukas pa rin sa paaralan ang mga gustong magsuot ng uniporme.

Mayroon pa rin kasi aniyang mga magulang na mas gustong nakaputing t-shirt o suot ng uniporme ang mga anak. Payo nito sa mga magulang na hindi na aniya kailangang bumili pa ng bagong uniporme o bagong colored na damit para sa mga anak para makatipid naman ngayong pandemya.

Paalala lang nito sa mga parents na bagamat hindi na mandatory ang school uniform ay dapat tingnan din kung malinis ang mga ipinapasuot na damit sa mga anak bago ito papasukin sa paaralan.

Bukod sa uniporme, hindi rin aniya ‘strict requirement’ sa mga estudyante ang pagsusuot ng sapatos dahil maaari pa rin naman nilang papasukin ang mga naka tsinelas.

Facebook Comments