Hinimok ni ACT-Teachers Partylist Rep. France Castro ang bagong liderato ng Kamara na iprayoridad ang pagbabalik ng subject na “Philippine History” sa high school.
Kaugnay na rin ito sa naging pahayag ng isang aktres na si Ella Cruz kung saan ikinumpara sa isang ‘tsismis’ ang history o kasaysayan.
Kasabay nito ay nihain ni Castro ang House Bill No. 207 na layong ibalik sa high school curriculum bilang hiwalay na asignatura ang Kasaysayan ng Pilipinas.
Tinukoy ng kongresista na matapos na alisin sa aralin ng mga mag-aaral ang Philippine History ay nakita ngayon ang mapaminsalang epekto nito sa basic education ng mga kabataan.
Giit ng kongresista, napapanahon na para ibalik ang Philippine History bilang asignatura sa high school at hindi dapat ituring na ‘kwentong barbero’ ang pag-aaral ng kasaysayan dahil ito ay may siyentipikong paraan ng pagpapatunay at fact-checking.
Sa kasalukuyang sistema ng K-12 ay nakasingit lamang sa ibang asignatura ang aralin sa kasaysayan dahilan kaya hindi lubos na nauunawaan ng mga kabataan ang implikasyon ng mga nangyari sa kasaysayan sa ating pang-araw-araw na buhay.