Pagbabalik ng bill deposit ng distribution utilities, pinuri ng ERC

Pinuri ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang MORE Electric and Power Corporation sa inisyatibo nito na maibalik ang bill deposit ng kanilang mga customer.

Sa naging pahayag ni ERC Commissioner Alexis Lumbatan sa media forum sa Maynila, bihira sa mga distribution utility ang kusang nagbabalik ng refund maliban na lamang kung hingin ng consumers.

Una rito, sinimulan na ng MORE Power sa Iloilo City ang pagbibigay ng refund sa bill deposit ng kanilang mga customer.


Ang Bill deposit ay ang siyang binabayad ng mga consumer kapag nag-apply ito ng kanilang electric meter, alinsunod sa Article 7 ng Magna Carta for Residential Electric Consumers, ang bill deposit ay kailangang ibalik ng distribution utilities makalipas ang tatlong taon sa kondisyon na ang consumer ay nagbabayad sa oras at walang record ng disconnection.

Sinabi pa ni Lumbatan, may ilang residente na ang nakatanggap na ng refund kung saan malaking tulong daw ito sa kanilang pangdagdag sa gastusin sa araw-araw.

Sa pahayag naman ni MORE Power President at CEO Roel Castro, ang kanilang kusang pagbabalik ng bill deposit ay sa hangarin na rin nila na maging ehemplo sa iba pang distribution utilities.

Hinikayat din ni Castro ang kanilang consumers na magbayad sa oras at huwag magkaroon ng disconnection o maputol ang kanilang kuryente upang maibalik agad sa kanila ang refund.

Nabatid na may limang milyong pisong pondo na inilaan ang More Power para sa nasabing refund ngayong taon.

Facebook Comments