Kung hindi mapipigilan na sa loob mismo ng mga bilangguan gagawin ang pagpaplano ng krimen, ay mabuti pang ibalik na uli ang death penalty.
Pahayag ito ni Manila 6th District Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., makaraang mabunyag na sa loob ng New Bilibid Prison (NBP) nagmula ang utos at plano na patayin ang mamamahayag na si Percival Mabasa o Percy Lapid.
Dismayado si Abante na hindi ito ang unang pagkakataon na nadiskubreng sa loob mismo ng kulungan ay naisasagawa o napaplano ang mga mabibigat na krimen tulad ng pagpatay, drug trafficking at maging ang mga nakapiit ay nakakagamit din umano ng ilegal na droga.
Una ng inihain ni Abante ang House Bill No. 4121, o panukalang Death Penalty Law, para sa mga mapapatunayang guilty sa murder, treason, drug trafficking, at plunder.
Naniniwala si Abante na makakatulong ang death penalty para matuldukan ang pagpatay lalo na sa mga inosente katulad ni Lapid.