Dapat na plantsahing mabuti ng Department of Education (DepEd) ang paghahanda nito para sa pagbabalik ng face-to-face classes sa darating na pasukan.
Ayon kay ACT Teachers Party-List Rep. France Castro, suportado nila ang pagbabalik ng in-person classes pero dapat aniyang maging ligtas ito para sa mga mag-aaral at guro.
“Kailangang-kailangan talaga natin yung ligtas na pagbabalik-eskwela. Dalawang taon tayong nagkaroon ng pandemya kaya ine-expect natin na dapat ay na-prepare ng ating departamento yung mga kinakailangan kasi nasa IATF sila e. Kaya nga madiin kami doon sa sinasabi natin na comprehensive full health program. ‘Yung pagsasaayos ng ating mga clinic, mga classroom, proper ventilation, at saka yung social distancing,” ani Castro sa panayam ng DZXL 558 RMN Manila.
Tingin ni Ccastro, posibleng hindi pa kayanin ng mga eskwelahan sa urbanized areas gaya ng Metro Manila, Cebu at Davao ang implementasyon ng face-to-face classes dahil na rin sa dami ng mga estudyante.
“Yung mga urbanized area katulad ng NCR, Cebu na nakita ko rin ang sitwasyon doon at tsaka ‘yung ilang parts ng Davao etcetera ano, yan yung mga hindi kakayanin,” saad ni Castro.
“Pero most of the schools na natin doon sa mga liblib na lugar, rural areas, doon naman kokonti na ang mga bata. Ang kailangan natin talaga, maisaayos lang natin yung mga water facilities, sanitation, toilet, yan ang kailangan sa mga rural areas,” dagdag niya.
Muli namang umapela si Castro na bigyan ng kompensasyon ang mga gurong nagtatrabaho pa rin kahit tapos na ang pasukan noong June 24.
Kasabay nito, nanawagan din ang mambabatas ng mga karagdagang guro bilang paghahanda sa pasukan.
“Kaya nga kami ay nagpo-propose ng House joint resolution na madagdagan ‘yung MOOE ng mga eskwelahan natin. Kasi wala talagang nilagay sa budget sa 2022 yung provision for safe reopening of classes,” giit pa ni Castro.