Nanindigan ang Palasyo na nasa tamang direksyon ang pamahalaan sa pagtugon sa COVID-19 crisis.
Reaksyon ito ni Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque makaraang ibalik ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Metro Manila, Laguna, Cavite, Rizal, at Bulacan sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) hanggang Aug 18, 2020.
Ayon kay Roque, pinakinggan lamang ng pangulo ang hirit na 2 weeks “time-out” o pahinga ng mga health workers.
Pero pagdating sa datos, kahit na patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa bansa bunsod aniya ng pinalawig na targeted testing ay nananatiling mababa ang casualties at konti lamang din ang naitatalang severe at critical cases.
Samantala, para naman kay COVID-19 Chief Implementer Sec. Carlito Galvez hindi ito nangangahulugan ng kabiguan bagkus patunay lamang na nakikinig ang gobyerno sa mga hinaing ng ating mga health workers.
Gagamitin aniyang maigi ng pamahalaan ang 2 linggong break na ito para magre-calibrate ng mga hakbang sa pagtugon ng COVID-19 sa bansa.