Pagbabalik ng motorcycle hailing services, suportado ng JTF COVID Shield

Handa ang Joint Task Force COVID Shield na irekomenda sa National Task Force against COVID-19 ang pagbabalik ng lahat ng motorcycle hailing services.

Layunin nitong maibsan ang pahirap ng mga commuter sa harap ng limitadong pampublikong transportasyon.

Sa virtual deliberation ng House Committee on Transportation, sinabi ni JTF COVID Shield Commander Lieutenant General Guillermo Eleazar, ang mga rider at driver ay kailangang sumunod sa health at safety protocols, kabilang ang paggamit ng barriers.


Ayon kay House Transportation Panel Chairperson Samar 1st District Representative Edgar Sarmiento, mahalagang payagan nang mag-operate ang motorcycle taxis para makakuha sila ng mga kinakailangang datos para sa pagbuo ng batas na gawing legal ang kanilang operasyon.

Ang Technical Working Group (TWG) ng Department of Transportation (DOTr) ay nagsumite na ng kanilang report hinggil sa pilot testing ng motorcycle taxis na natapos noong March 23.

Matatandaang pinayagan na ng pamahalaan ang backriding para sa lahat ng Authorized Persons Outside Residence (APOR).

Facebook Comments