Muling inirekomenda ng mga miyembro ng House Committee on Transportation sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapanumbalik ng mga motorcycle taxi.
Ayon kay Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento, Chairman ng Komite, hindi lamang nila agad na-endorso ang naturang rekomendasyon dahil isinailalim sa mahigpit na community quarantine ang Metro Manila at ilang karatig lugar at ipinagbawal ang public transportation.
Ngunit ngayong balik General Community Quarantine (GCQ) na ang Metro Manila at pinapayagan na muli ang pampublikong transportasyon ay hinihimok nila ang IATF na payagan ang pagbiyahe ng motorcycle taxis tulad ng Angkas basta’t sumusunod lamang sa health and safety protocols.
Iminungkahi rin na sumailalim sa Polymerase Chain Reaction (PCR) test ang rider at mabigyan ng COVID-free certification habang ang pasahero naman ay mag fi-fill up ng contact tracing form online bago maka-book ng serbisyo.
Naniniwala aniya ang Komite na malaki ang maitutulong ng motorcycle taxis bilang pandagdag sa transportasyon at mas mababa rin ang tyansa ng hawaan dahil isa lang ang pasahero.