Pagbabalik ng national peace talks, hindi prayoridad ng Palasyo

Manila, Philippines – Inihayag ngayon ng Palasyo ng Malacañang na hindi na pagaaksayahan ng panahon ng Pamahalaan ang pagbuhay sa usapang pangkapayapaan kasama ang mga opisyal ng Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Ayon kay Chief Presidential Legal Counsel at Presidential Spokesman Secretary Salvador Panelo, mas pagtutuunan nalang ng pansin ng Pamahalaan ang pagkakaroon ng Localized Peace talks sa rebeldeng grupo.

Paliwanag ni Panelo, isa ito sa naging issue na tinalakay sa naganap na command conference ni Pangulong Duterte kasama ang mga matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines at ng Philippine National Police.


Binigyang diin pa ni Panelo na hindi napagusapan sa nasabing pulong ang pagkakaroon ng back channeling talks kay CPP Founding Chairman Joman Sison na una naring lumabas.

Matatandaan na itinanggi narin ng Malacañang na inatasan ni Pangulong Duterte si MTRCB Board Member Billy Andal na makipagusap kay Sison sa the Netherlands.
Sinabi pa ni Panelo na posibleng inaantok dahil sa puyat si Andal kaya inakala nitong inatasan siya ng Pangulo na kausapin si Sison.

Facebook Comments