Manila, Philippines – Naniniwala si Pangulong Rodrigo Duterte na wala nang patutunguhan ang pakikipag-usap ng gobyerno sa Communist Party of the Philippines, New People’s Army, National Democratic Front o CPP-NPA-NDF.
Ayon sa pangulo, wala nang saysay na pabalikin pa sa Norway sina Government Peace Negotiator Secretary Silvestre Bello III at Presidential Peace Process Adviser Secretary Jess Dureza.
Aniya, wala siyang nakikitang sinseridad mula sa mga rebelde para magkaroon kasunduan sa gobyerno para sa kapayapaan.
Ang iniisip kasi aniya ng NPA ay isang iglap lang ay mapagbibigyan ang kanilang gusto pero sa totoo ay kailangan ng sapat na oras sa lahat ng bagay.
Masyado lang kasi aniyang nangangarap ng imposible ang mga rebelde.
Dahil aniya dito ay nakalatag na ang kanyang pagkuha ng karagdagang sundalo at pulis at special forces para tumutok sa urban warfare.
Una nang kinansela ni Pangulong Duterte ang usapang pangkapayapaan sa NPA dahil ayaw naman nitong magdeklara ng ceasefire.