Suportado ng OCTA Research Group ang planong pagpapaluwag ng quarantine restrictions sa Metro Manila.
Matatandaang sinabi ng Malacañang na maaari nang ibaba sa regular General Community Quarantine (GCQ) sa susunod na linggo ang Metro Manila at kalapit na mga probinsya ng Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19.
Ayon kay OCTA Research Group fellow Dr. Guido David, gumaganda na ang sitwasyon ngayon sa National Capital Region (NCR).
Nabatid na mula sa 97% noong March 29 hanggang April 4, nasa 27% na lang ng kabuuang daily COVID-19 cases sa bansa ang galing sa NCR.
Bumaba na rin sa 8% ang positivity rate sa NCR at nasa “safe level” na 40% ang hospitalization rate.
Dahil dito, maaari rin aniyang subukan ang pagbubukas ng mas marami pang negosyo dahil sa ngayon, wala silang nakikitang hawaan ng COVID-19 sa mga business establishment.
Gayunman, dapat pa ring iwasan ang malalaking pagtitipon.
Inaasahang maglalabas ng panibagong quarantine restriction si Pangulong Rodrigo Duterte bago ang deadline ng “GCQ with additional restriction” sa NCR Plus sa June 15.