Cauayan City, Isabela- Pinaghahandaan na ng pamunuan ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Isabela ang muling pagbabalik ng operasyon ng Lotto draw sa darating na ika-4 ng Agosto ng taong kasalukuyan.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay General Manager Yamashita Japinan, PCSO Isabela, tuloy na aniya sa Martes ang pagbubukas ng mga Lotto outlets ng nasabing ahensya.
Ito ay para hindi aniya tuluyang malugi ang mga Lotto operators sa Lalawigan na naapektuhan ng COVID-19 pandemic.
Sinabi nito na una nang nagsimula ang ‘scratch game’ noong July 20 habang sinimulan naman ang larong ‘Keno’ noong July 30, 2020.
Pero, ilan sa kanilang mga solo outlets ay hindi pa nagbubukas mula nang maipasara dahil malulugi lamang umano ang mga ito kung tanging iyon lamang ang kanilang babantayan lalo’t sinuswelduhan aniya ng mga Lotto Agents ang mga teller.
Kaugnay nito, wala pa umanong namonitor sa lalawigan si Ginang Japinan na may nagbukas na ng ‘Keno’.
Samantala, magbabalik na rin sa dating oras na alas 9:00 ng gabi ang Lotto Draw mula sa ipinatupad na alas 3:00 ng hapon bunsod ng pandemiya.
Balik na rin sa halagang P20.00 ang taya mula sa dating P24.00 maging ang mapapanalunang jackpot prize ay magkakaroon na ng standard at tataas na rin ito base sa kanilang magiging collection.