Pagbabanta ni Commissioner Rey Bulay sa mga kritiko ng COMELEC, binatikos ng isang senador

Pinagsabihan ni Senate Minority Leader Franklin Drilon si Commission on Elections (COMELEC) Commissioner Rey Bulay na huwag maging balat-sibuyas.

Ito ay matapos pagbantaan ni Bulay na ipapaaresto ang mga bumabatikos sa paghahandang ginagawa ng COMELEC para sa nalalapit na halalan.

Giit ni Drilon walang legal na basehan ang bantang pagpapaaresto ni Bulay sa mga nagpapahayag lang ng kanilang opinyon ukol sa performance ng COMELEC.


Diin ni Drilon, wala ring masama kung nagsasabi ng pangamba ang publiko at nananawagan para sa patas at tapat na botohan.

Paliwanag ni Drilon, ang pagbabanta ni Bulay ay walang puwang sa ating sistema dahil malinaw ang nakasaad sa 1987 Constitution na bawat Pilipino ay may karapatan sa free speech and expression.

Ipinaalala ni Drilon kay Bulay na bilang isang public servant ay hindi nito dapat tinatakot ang taumbayan.

Facebook Comments