Manila, Philippines – Magpapakalat ang Bureau of Immigration ng karagdagang immigration officers’ para mapaigting ang pagbabantay sa mga border crossing station sa Mindanao at Palawan.
Ayon kay Immigration Spokesperson Atty. Maria Antonette Mangrobang, 36 na mga kawani ang magbabantay sa anim na border crossing stations para mapigilan ang pagpasok ng mga dayuhang terorista sa bansa.
Aniya, tig-anim na immigration officers ang itatalaga sa brooke’s point at Balabac sa Palawan, Tibanan sa Davao Oriental, Batoganding Davao Del Sur at sa Taganac at Bongao Islands sa Tawi-Tawi.
Una nang napa-ulat na karamihan sa mga pumapasok at lumalabas sa mga naturang border ay mga Malaysian at Indonesian Nationals.
Aminado naman si Mangrobang na malaking hamon ang magiging trabaho ng immigration personnel.
Target aniya nilang mai-deploy ang mga ito bago matapos ang taon pagkatapos nilang dumaan sa isang mahigpit na pagsasanay.
Kasabay nito ay tiniyak ng B-I na mahigpit nilang mino-monitor ang mga border sa buong bansa para masidurado ang kaligtasan ng publiko.