Malaking hamon para sa Philippine National Police (PNP) ang bantayan ang mga dalampasigan at karagatan ng bansa laban sa mga sindikato ng iligal na droga.
Ito ay sa harap na rin nang magkakasunod na pagkakadiskubre ng kilo-kilong cocaine sa mga dalampasigan ng Dinagat, Siargao Island at Paracale, Camarines Norte kamakailan.
Pinakabago pa nga ang pagkakadiskubre kahapon ng hinihinalang isang pack cocaine sa Barangay San Jose, Mauban, Quezon.
Ayon kay PNP Spokesperson Senior Superintendent Bernard Banac, mahigit pitong libong isla mayroon ang Pilipinas napakahirap aniya manmanan at bantayan ang lahat ng mga islang ito lalo at limitado lamang ang kanilang kagamitan.
Kaya ang magagawa lamang anila ngayon ay humingi ng tulong sa iba pang law enforcement agencies gaya ng Philippine Coast Guard (PCG) para tulungan silang bantayan ang mga dalampasigan upang matukoy kung saan nagmumula ang mga natatagpuang cocaine sa mga dalampasigan.
Hinihiling rin nila ang patuloy na kooperasyon ng publiko lalo na ng mga mangingisda para matukoy ang mga salarin sa pagta-transport ng mga ito.