Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj. Esem Galiza, Deputy Chief of Police at Information Officer ng Cauayan City Police Station, patuloy pa rin ang kanilang pagpapatrolya sa kalunsuran at muling nagtalaga ng tig- dalawang pulis para sa Police Assistance Desk School (PADS) sa mga malalaking paaralan sa Lungsod gaya ng Cauayan City National High School at Isabela State University-Cauayan Campus.
Bukod dito, bente kwatro oras pa rin ang pag-iikot ng kapulisan sa Lungsod gamit ang kanilang Patrol Car bilang pagpapaigting ng kanilang police visibility.
Layunin naman ng kanilang pagpapaigting ng police visibility sa mga paaralan na matiyak ang kaligtasan ng bawat mag-aaral lalo na at naglipana ang mga naitalang insidente ng kidnapping sa ibang lugar.
Ito ay para maiwasan din ang iba pang mga krimen na posibleng binabalak ng mga may masasamang-loob.
Katuwang naman ng kapulisan sa pagbabantay at pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan sa Lungsod ang mga force multipliers tulad ng mga opisyal ng barangay at mga kawani ng Public Order and Safety Division (POSD).
Samantala, pinapaalalahanan ni PMaj. Galiza ang mga mag-aaral na bago umuwi ay ipaalam sa magulang at kung nagcocommute naman ay kunan ng larawan ang body number ng sinasakyang traysikel upang sa ganon ay magkaroon ng impormasyon ang mga magulang kung sakaling may mangyaring hindi inaasahan.