Manila, Philippines – Mas lalong pinaigting ngayon ng Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbabantay sa mga pantalan ng bansa hindi lamang sa Mindanao kundi maging sa mga pantalan sa Manila at mga pangunahing pantalan sa Luzon.
Ayon kay PCG Spokesman Commander Armand Balilo, maliban sa operatiba ng mga sundalo na nakakalat sa Ranao Lake at mga pantalan sa Mindanao na kontrolado ng Coast Guard, patuloy ang pinaiiral na security measure sa pantalan sa Manila dahil sa nalalapit na ASEAN Summit na dadaluhan ng mga lider ng iba’t ibang bansa sa Nobyembre.
Pinaghahandaan din ng PCG ang malaking bilang ng mag-uuwian sa mga lalawigan na sasakyan sa mga barko dahil sa Semestral break ng mga estudyante at paggunita ng Undas.
Paliwanag ni Balilo, nagdagdag sila ng deployment ng drug at bomb sniffing dogs sa pantalan at mga sea marshal sa mga pampasaherong mga barko partikular na ang mga magtutungo sa Mindanao kung saan pinaiiral ngayon ang batas militar.