Pagbabantay sa mga Quarantine Checkpoints, Hinigpitan ng PNP Echague

Cauayan City, Isabela- Lalong inistriktuhan ng kapulisan katuwang ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan ang pagbabantay sa mga quarantine control points bilang bahagi sa mahigpit na pagpapatupad ng General Community Quarantine Phase 3 sa bayan ng Echague, Isabela.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay PMaj Michael Esteban, hepe ng PNP Echague, kasunod aniya ito sa pagkakaroon ng dalawang (2) panibagong kaso ng Coronavirus Disease (COVID-19) na naitala sa naturang bayan.

Lahat aniya ng mga bumabyahe sa bayan ng Echague ay hinahanapan ng mga kaukulang dokumento gaya ng travel authority at health certification para sa mga uuwi sa kanilang bayan.


Tulad na lamang ng mga umuuwi sa bayan sa ilalim ng ‘Balik Probinsya Program’ ng pamahalaan na kung saan ay nasusunod naman aniya ang mga protocols dito.

Tanging mga Authorized Person Outside Residence (APOR) lamang ang pinapayagang lumabas o pumasok sa kanilang bayan.

Kaugnay nito, inistriktuhan na rin ang pag-iinspek sa mga dumadaan na sasakyan gaya ng mga delivery trucks na posibleng nagpupuslit ng tao o UPOR.

Humihingi ng paumanhin ang Hepe sa mga dumadaang motorista na nakakaranas ng mahabang traffic dahil parte aniya ito ng kanilang paghihigpit upang maiwasan na may mga makakalusot na Unathorized Persons Outiside Residence (UPOR).

Maging sa pamamalengke ay mayroon din mga sinusunod na schedule upang maiwasan ang dagsaan ng mga tao na magmumula sa 64 na mga barangay ng Echague.

Samantala, ibinahagi rin ni Pmaj. Esteban na dumadami na ang mga kumukuha ng travel authority sa kanilang himpilan na gustong umuwi sa kani-kanilang mga lugar na na-stranded sa bayan ng Echague.

Panawagan naman nito sa mga kumukuha ng travel authority/pass na obserbahan pa rin ang social o physical distancing at tamang pagsusuot ng face mask upang maiwasan ang pagkalat ng nakamamatay na sakit.

Facebook Comments