PAGBABANTAY SA PAGSUNOD SA LEGAL BOUNDARIES NG MGA COASTAL ZONE SA SAN JUAN, LA UNION, PINAIGTING

Pinaigting ng mga kinauukulang ahensya ang pagmo-monitor sa pagsunod sa legal boundaries ng mga coastal zone sa bayan ng San Juan, La Union na kilalang beach at surfing destination.

Noong Biyernes, Pebrero 5, pinangunahan ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng San Juan, katuwang ang Pamahalaang Panlalawigan ng La Union, Department of Environment and Natural Resources (DENR), at Barangay Council ang pag-install ng mga enforcement signage sa iba’t ibang bahagi ng baybayin sa Barangay Taboc.

Nilalaman ng mga signage ang paalala na ang anumang estruktura, pribado man o pinamamahalaan ng pamahalaan, na lalabag sa itinakdang salvage zones at legal easements ay maaaring isailalim sa mandatory relocation o demolisyon.

Nagsisilbi rin itong pormal na abiso sa mga residente at negosyante hinggil sa tamang hangganan ng mga coastal zone.

Nakabatay ang pagpapatupad sa Provincial Ordinance No. 352-2021 o ang Revised Provincial Environmental Protection and Management Code of La Union, gayundin sa Presidential Decree No. 1067 o Water Code of the Philippines.

Ikinabit ang mga enforcement notice sa mga lugar na madaling makita ng publiko sa kahabaan ng Taboc beachfront, malapit sa ilang kilalang resort at establisimyento.

Layunin ng mga hakbang na ito na mapangalagaan ang likas na kagandahan ng baybayin ng San Juan at maprotektahan ang mga residente at turista laban sa panganib ng coastal erosion at pagtaas ng antas ng dagat. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments